
Malayo pa, pero Malayo na
- Rey Jr. F. Rustia
- May 10, 2023
- 4 min read
Updated: May 12, 2023
Magandang gabi at magandang buhay. Kamusta na ang buhay? May buhay pa ba ang buhay o yung buhay na mayroon ay buhay nga lang at wala ng buhay? Bago ko siguro makalimutan itong aking mga karanasan ay nais kong magbahagi ng konting bahagi ng aking naging buhay. Nasa tamang blog ka kung gusto mong maki chismis. Halika at unti untiin natin ito.
Sabi nga, walang buhay na madali o yung pa easy easy lang. Siguro, sasabihin mo ayy madami nga akong nakikita na easy going lang o patambay tambay lang. Pero baka naman nagpapahinga lang, o kaya naman ay inililihis ang atensyon sa sobrang pagkapagod ng isip na makita na hirap ng umintindi, ipinapahinga ang puso kasi labis ng nasasaktan at humanahanap ng sandaling ginhawa ng pisikal na pangangatawan dahil pagod na at pata sa iba ibang mga gawain. Ngunit di naman yan ang kwento. Ito pa lang.
Simulan natin dun sa pagitna na.
Tumigil akong magpatuloy sa pag-aaral sa kolehiyo dati dahil hiyang hiya ako sa pamilya ko. E kasi may bagsak akong isang subject. Ang tanga tanga kasi, di ko inaayos noon. Nagtrabaho na ako agad noong tumigil ako sa pagaakalang makakabayad ng mga pera, sakripisyo at panahon na naibigay sa akin ng aking pamilya. Nakakapagod magtrabaho syempre, hindi ako yung tipo ng tao na Conventional, masaya sa pare-parehas o paulit ulit na gawain. Gusto ko yung may naidadagdag na pampalasa, o kaya naman ay ma aksyon at exciting sa aking araw-araw. Kaya upang malibang, ibinahagi ko ang buhay sa pakikilakbay sa mga kabataan sa pamamagitan ng paglilingkod at pagbibigay ng sarili para makatulong sa nangangailangan, katulad ng maging bahagi ng iba't ibang mga organisasyon na aktibo pagdating sa pagpapalaganap ng magandang adhikain sa edukasyon, agrikultura, kalikasan at kumilunidad. Sa pamamagitan nito naging makulay ang buhay ko, naging kontento at masaya. Pero tatamaan ka ng realidad ng buhay. Madaming taon ang lumipas ngunit ako pa rin ang Rey na oo may natulungan, oo naging kabahagi, pero ano ang naidagdag sa aking sarili? Patuloy lang akong nagapaikot ikot sa araw araw na walang nangyayari sa buhay ko. Kaya naisip kong mag-aral muli. Hinanda ko ang sarili ko sa pag-aaral.
Naghanap ako ng trabaho sa gabi para sa araw pwede akong mag-aral. Dahil ganoon nga, kailangan kong kumayod dahil hindi ko naman dapat iaasa ang aking desisyon sa aking mga magulang. Dun nagsimula yung hindi pala madali ang mabuhay. Yung may sapat kang sweldo para sa pagkain mo, pamasahe papuntang school na balikan, pambili mo ng sabon, pang load at kung may matira pa ay pang kendi. Pero hindi ganun kadali. Dadating ang araw na wala kang sahod, dahil late ang sweldo. Syempre kailangan kong magtira ng pamasahe balikan sa school at sa trabaho. Minsan tubig lang ang pananghalian sa school ay katalo na. Minsan dalawang araw, minsan tatlo. Pero di pa dyan nagtatapos, may dadating pa na pagod ka sa maghapon pero magtatrabaho ka pa rin sa gabi tapos ganoon ulit sa susunod na mga araw. Darating pa nga dyan na tatanungin mo sarili mo dahil matanda kana pero bakit hanggang ngayon tubig asin pa din ulam mo o kaya kapag may pambili ng toyo ay yuon o kaya naman bagoong. At hindi laang yan, syempre tiis ka din sa sapatos na buka. Didiskartehan mo lang talaga at pagmumukhain mong gwapo ka para iba ibang tingnan (pwedeng sabihin na design ng sapatos kasi pogi ang may suot). At kung minsan ay busy sa trabaho sa gabi at finals kinabukasan yun tipong wala kang tulog. At madaming beses na dala mo pa yung pagod na mayroon ka noong isang lingo na nadagdagan noong makalawa, noong isang araw kagabi, kahapon at kanina tapos may panibagong pagod ka ulit bukas. Madaming luha na ang pumatak sa totoo lang. Hindi madali. Sobrang napaka hirap. Pagod ka sa pag-aaral maghapon, uuwe ka, magluluto, maglalaba ng uniform, kakain kung anong ulam ay kung anong mayroon, pagkakain maliligo, maderetsyo sa trabaho, duon na hanggang umaga, aalis sa trabaho puntang bahay, magluluto, maliligo, maga plantsya, kakain, tapos mabyahe papuntang school. Madalas tulog sa byahe dahil malayo ang school. At ganoon araw-araw. Pag nga ako'y sobrang pagod na ay takbo sa simbahan at duon nagpapahinga at nagdadasal. Ngunit hindi naman duon natatapos.
Dahil pinanghawakan ko ang kaisipan na makakayanan mo din yan o matatapos mo din ay nagpatuloy, maraming mga tao din ang naging kaagapay sa araw-araw kahit na hirap, kapag marunong magpasalamat ay makikita mong palaging nandyan at mayroong biyaya para sayo.
At madami pang karanasan bago ko tapusin pero siguro sa part II na. Bukod sa sakripisyo ay may kwento din ng pag-ibig, pagbabago at madami pang mga bagay. Nagkataon lang na, naibigay ko na ang gusto kong ibahagi ngayong araw. Kay sarap lang din balikan na malayo na pala ako kahit malayo pa pero madami ng naging pampalasa sa aking mga karanasan. Hindi pa man ako nagkakapagbalik sa aking pamilya ng isinakripisyo nila para sa akin pero masaya ako dahil magagawa ko na iyon sa mga darating pang mga araw. Batid naman ng lahat na napakahirap na mabuhay sa ngayon, kaya kung ano man yan, mahirap man, magaan, mabigat o pasuko na ay hayaan mong paghugutan mo itong karanasan ko, maaring sisiw o simple lang sayo ito pero katulad ko makakayanan mo din yan. Kahit hirap ay palaging magpasalamat dahil palaging may biyaya at palaging magtiwala sa sarili at sa Diyos. Oo, malayo na pero malayo pa. Hanggang sa susunod muli. Maraming salamat.
Comments