SAAN NA BA PATUNGO
- Rey Jr. F. Rustia
- Feb 1, 2022
- 3 min read

Maganda muli ang araw ngayon katulad ng mga araw na nagdaan. Hindi gaanong masakit sa balat at mainit sa pakiramdam. Paminsan minsang bumibisita ang ulan pero kalaunan nama'y kaunting pagpaparamdam lamang, umiinit, umuulan, nababasa ang paligid at natutuyo muli dulot ng pagtila. Marahil, napapansin natin ito lalo na ng mga maglalaba, "Uulan, pipinawin ang damit... maiiyamot.. maya-maya umiinit na muli isasampay.. at uulan na naman" at maari ring hindi natin napapansin dahil alam naman natin ang water cycle. At maari ring lumilipas lamang ang araw para sa atin.
"Gigising.. babangon, pag minsan nililigpit ang pinaghigaan, pag-minsan nama'y hindi, gagawin ang morning routine, kakain, liligo, magtatrabaho, yung ilan sa atin babangon na lamang kapag kakain na, pagkatapos kumain babalik sa higaan, mag i'scroll sa social media pag sinipag gagawin ang ilang module, pag tinamaan ng tamad, manunuod ng mga movies o kaya makikipag chikahan kina marites, at makukumpleto ang maghapon sa ganitong mga pangyayari"
Yung iba minsan sa isang lingo ganito at yung karamihan ay hindi napapansin na ganito ang nangyayari araw-araw. Pero lumalalim na ang ating usapan at maaring di mo alam ang aking pinaghuhugutan kung saan. Kaya kwento ko na muna.
Saan na ba patungo?
Nandito ka sa isa sa mga post ko sa aking blog. Ang title nito ay saan na ba patungo. Ako ay bente kwatro anyos na, magbe'bente singko sa ilang mga buwan. Gumagalaw ang mga araw, lumilipas, pero ang bente kwatrong taong ito ay hindi pa alam kung saan nga ba patungo.
Kung tatanungin mo ako kung anong mga ginagawa ko sa aking buhay. Madami akong sasabihin sayo, ako ay si ganito, ganyan, ganire kabuti ang mga ginagawa ko, ganito ako kabusy sa buong lingo, madami akong ipapakita sayong mga bahagi ng aking mga pinagkaka abalahan. Subalit kung tatanungin mo ako kung bakit? Kung noon ko ito sasagutin, ang magiging sagot ko sayo ay sapagkat ang paggawa ng mabuti ay walang limitasyon, at kung ngayon ko ito sasabihin ang maririnig mo ay, dahil wala akong magawa sa aking buhay. Bukod sa simbahan, pag-aaral at kabataan marami pa akong oras para sa ibang bagay, katulad ng gobyerno, kalusugan, edukasyon, mga karapatan. At ito ang nagpupuno ng mga oras ko para wala akong bakante.
Sa mga nagdaang taon, may nangyayari ba sa aking buhay..
Oo, meron. Pero pag-kadalasan di ko maramdaman. Kadalasan ang dami kong tanong at ang dami kong pag-aalinlangan. Sa dami ng pagod ng aking katawan ay kadalasan di ko alam kung saan ko ito naibubuhos. Isa pa rin akong mag-aaral at di pa rin nakakatapos sa kolehiyo. Ang dami ng pagpili ng mga desisyon at pag minsan nagkakamali ako sa pagpili, at di ko madama yung mga pagod na aking pinagdaanan dahil parang di ako umuusad. At nakakatamad ang ganitong pakiramdam na ang sa tingin mo ay dami dami mong ginagawa dahil busyng busy ka araw-araw at may pagkakataon na maiisip mo na teka.... ang dami ko ng naging pawis pero parang di ako umuusad.. at pag'minsan sa tamang gawain ba yung pawis na naibuhos ko o napunta lang ito sa wala. Bakit wala.. yung ginawa ko lang ang mga bagay na ito para may masabi akong may mga nagawa ako.. may ginagawa ako.. Ngunit sa huli. saan na ba ako napunta. at sa aking pag-tingin ay wala pa rin.
"ako pa rin yung dating rey na naglalakad dahil walang sasakyan o pamasahe. ako pa rin yung dating rey na masaya sa tubig at asin na ulam, bakit? pinipilit dahil walang ibang choice, kasi wala namang pambili. at kung titingnan mo ako di mo ko makikita na mukhang walang pera. dahil may maayos akong itsura sa labas. pero kagulo ang aking kalooban."
Isinusulat ko ito sapagkat wala naman akong ibang makakausap. Upang makapag labas ng sama ng loob. Upang pa'payapain ang kalooban sa mga kalituhan. At gusto ko ring balikan ang ganitong mga pangyayari sa aking pagtanda. Ito rin yung paraan ko para makita ko na umuusad ba ako. at sa tingin ko ngayon ay umuusad natin, kahit papaano. Madami lang na nagdaan na kailangang maging ayos. Nalulugi pero katulad ng bawat dilim may liwanag na sisikat, minsan ang tawag dito ay araw, kinabukasan ngunit maganda ring tawagin na pag-asa at bagong pagkakataon.
Hanggang sa muli. Maraming Salamat.
Commentaires